Barangay kagawad pinagbabaril ng riding-in-tandem, kritikal!

Barangay kagawad pinagbabaril ng riding-in-tandem, kritikal!

June 22, 2022 @ 3:27 PM 5 days ago


JAEN, Nueva Ecija – Sugatan sa pamamaril ng riding-in-tandem ang isang kagawad ng Barangay Malabon Kaingin, nitong Lunes.

Ito na ang ikalawang insidente ng pamamaril sa nasabing bayan na naitala ng kapulisan simula noong May 2022 elections kung saan ang una ay naganap noong May 24.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ganap na 6:45 ng gabi noong Lunes nang mangyari ang  pamamaril habang minamaneho ng biktimang si Marianito Herminigildo ang kanyang e-bike.

Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan kabilang na ang balang tumagos sa mukha nito.

Sa kasalukuyan ay nasa Intensive Care Unit (ICU) ang biktima.

Ayon naman kay Mayor Sylvia Austria, ikalawang beses na umano ang ganitong pangyayari sa loob lamang ng isang buwan at lubha umano itong nakaa-alarma.

Sinabi ng alkalde na kailangan na umanong maputol ang ganitong mga pangyayari para sa ikatatahimik ng bayan ng Jaen.

Ayon sa asawa ng biktima na si Aling Imelda, walang nababanggit ang kanyang asawa tungkol sa anumang problema na maaring mauwi sa pagtatangka sa kanyang buhay, kaya nagulat na lamang ito nang pagbabarilin ang asawa.

Tuloy-tuloy naman sa pagsasagawa ng imbestigasyon ang kapulisan at pinag-aaralan umanong mabuti ang mga nakalap na CCTV footages. Elsa Navallo