Barangay konsi patay, waitress kritikal sa pamamaril ng ex-Army sa bar

Barangay konsi patay, waitress kritikal sa pamamaril ng ex-Army sa bar

March 9, 2023 @ 7:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Patay ang isang barangay kagawad habang inoobserbahan naman ang isang waitress makaraang pagbabarilin ng isang dating Army sa loob ng isang bar sa J. Nakpil Street, Ermita, Manila umaga ng Huwebes.

Kinilala ni P/Lt Col Leandro Gutierrez, Commander ng Manila Police District- Ermita Police Station 5, ang nasawi na si Jesus Carmona, manager ng beer garden at Barangay Kagawad sa Parola Compound sa Tondo.

Inoobserbahan naman ang waitress na si Donna Sabenencio, 29-anyos , residente ng Paradise Height, Tondo, Manila .

Arestado naman ang suspek na si Rolly Algarne Y Ibanez, 43-anyos  dating miyembro ng Philippine Army at residente ng North Caloocan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ganap na alas-10:30 ng umaga nang mangyari ang pamamaril sa loob ng beer garden.

Nauna rito, Miyerkules ng gabi nang sabihan umano ni Carmona ang suspek hinggil sa pag-park nito ng kanyang sasakyan.

Inabot umano ng kinaumagahan na lango sa alak ang suspek hanggang sa walang habas nitong pinagbabaril ang mga biktima.

Matapos ang insidente, tinangka ng suspek na tumakas kaya nagkaroon ng habulan hanggang sa makorker ng mga pulis sa Remedios St , malapit sa 7-11 Convinience store.

Narekober kay Algarne ang kalibre .45 baril na ginamit nito sa krimen. Jocelyn Tabangcura-Domenden