Barangay tanod, natagpuang patay sa salas

Barangay tanod, natagpuang patay sa salas

June 18, 2022 @ 12:00 PM 1 week ago


ILOCOS SUR- Duguan at patay na ang isang barangay tanod nang matagpuan sa mismong salas ng kanilang bahay sa Sitio Peninsula, Brgy. Calongbuyan, Candon City ng lalawigang ito kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Richard Galdones y Gacutan, 45, may asawa, barangay tanod.

Sa ibinigay na pahayag sa pulisya ni Marites Galdones, asawa ng biktima, bandang 5:30 ng umaga nang pupunta sana siya ng banyo para maligo ngunit bumulaga sa kanya ang hitsura ng asawa na nakahiga sa folding bed doon sa salas ng kanilang bahay na duguan ang damit, naka-face up, at hindi na humihinga.

Napansin rin ng ginang ang blood stain sa sahig sa ilalim ng folding bed ng biktima.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng SOCO Team, may mga nadiskubre silang shotgun pellets malapit sa bangkay ng biktima.

Natuklasan din ng SOCO Team na may gunshot wound ang biktima sa may lower chest/abdomen nito.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol dito. Rolando S. Gamoso