BARANGAY,SANGGUNIANG KABATAAN ELECTIONS SIBAK NA SIBAK NA

BARANGAY,SANGGUNIANG KABATAAN ELECTIONS SIBAK NA SIBAK NA

September 23, 2022 @ 5:45 PM 2 months ago


SA galaw ng House of Representatives at Senado, mukhang tiyak nang sibak ang halalan para sa Barangay Council at Sangguniang Kabataan. 

Nasa 264 ang bumoto na kongresman sa panukalang postponement ng B/SK elections mula sa Disyembre 2022 sa Disyembre 2023. 

Sa Senado naman, pasado na rin sa ikalawang pagbasa ang panukalang kapareho ng ipinasa sa Kamara. 

May nagpanukala na gawin na lang sa Mayo 2023 ang halalan subalit sinabi ni Sen. Imee Marcos na sa bicameral conference committee na lang pag-usapan ang nasabing usapin. 

AKSYON NI PANG. BONGBONG 

Sakaling mapagpasyahan nang pinagsamang Kamara at Senado na talagang ipagpaliban ang halalan, ang aksyon na lamang ni Pangulong Bongbong Marcos ang hihintayin. 

Maaari niyang pawalang-saysay o i-veto ang desisyon ng Kongreso,  

Maaari rin niyang aprubahan ito at tapos na ang ‘buto-buto’. 

Pupuwede ring isantabi ni Pangulo pansamantala ang pagkansela o pag-apruba para pag-aralan ito. 

Pero kapag walang aksyon ang Pangulo rito at lilipas ng 30 araw, diyan na magkakabisa ang panukalang batas. 

‘Yun bang === aprubado ang batas at magkakahalalan. 

SAYANG ANG PONDO 

Ayon sa mga nag-aprub ng panukalang ipagpaliban ang halalan, sayang ang gagastusing pondo rito ng pambansang pamahalaan.  

Ang halagang P8 bilyon ay maaari pa umanong gastusin laban sa pandemyang likha ng coronavirus disease-19. 

Ayon naman sa Commission on Elections, maaaring lolobo ang P8 bilyong gastos sa P13 bilyon kung ma-postpone ito. 

At sayang din ang P5 bilyong pondong dagdag. 

Pero katwiran ng mga nag-okey sa pagpapaliban, mas matimbang ang paggamit ng pondong P8 bilyon ngayon sa produktibo o kapaki-pakinabang na layunin kaysa mag-alala kung magkano ang ilolobo ng gastos sa mga susunod na taon ng halalan. 

Napansin naman ng iba na kumikilos ang Comelec patungo sa halalan hangga’t walang pinal na desisyon si Pangulong Bongbong pabor sa pagpapaliban nito. 

Kaya nga panay ang paghahanda nito ng para sa imprenta ng balota at election returns, paghahanap ng mga bodega na imbakan ng magagawang balota at election returns, paghahanap ng mga magbibiyahe ng mga ito at ang mga taong hahawak ng halalan, gaya ng mga guro. 

WALANG GAANONG UMAANGAL 

Kaugnay ng lahat, napansin nating walang gaanong umaangal sa pagpapaliban ng halalan. 

Nangangahulugan bang higit na hapi ang nakararaming mamamayan kaysa malungkot sa pananatili ng mga nakaupo ngayong opisyal ng mga barangay at kabataan? 

Maaari. 

Kasi naman, marami ang naging mahuhusay na kapitan, kagawad, SK chairman at kagawad nito sa panahon ni Pangulong Digong Duterte. 

Naging palaban ang mga ito sa mga durugista at kriminal na ikinatatahimik ng mga komunidad. 

Kakaunti lang ang mga ‘painom-inom’ lang sa pwesto . 

Naging napakahusay at napakasipag din ang mga ito sa pakikipaglaban sa COVID-19 noong kasagsagan nito. 

Higit ding marami ang nagiging tapat sa mga mamamayan at umiwas sa kabulukan o korapsyon sa pamamahala. 

Sa madaling sabi, mga Bro, higit na kapaki-pakinabang sa mamamayan at pamahalaang Marcos ang mga nakaupong opisyal ngayon kaysa hindi. 

At kung sa huli ay ma-postpone nga ang halalang B/SK, para talaga ito sa ikabubuti ng lahat.