Baril, bala, granada nasabat sa apartment ng naarestong drug suspect

Baril, bala, granada nasabat sa apartment ng naarestong drug suspect

July 7, 2022 @ 3:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakumpiska pa ng pulisya ang baril, bala at granada sa apartment ng isa sa dalawang lalaking unang nahuli sa pagbebenta ng hindi lisensiyadong baril at pag-iingat ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu at marijuana, Martes ng hapon sa Caloocan City.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Jynleo Bautista, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Northern District Field Unit (CIDG-NDFU) sa isang hideout ni Emmanuel Joseph Bendal, 31 sa Room 3 David Apartment, McArthur Highway, Dalakitan, Brgy. San Matias, Sto Tomas, Pampanga Miyerkules ng alas-10:30 ng gabi, nasamsam ang isang hindi lisensiyadong Norinco Cal. 45 pistol, dalawang magazine assembly na may anim na bala at isang MK-2 na granada.

Ayon kay P/Cpl. Ferdinand Yap, isa sa mga operatibang nagtungo sa naturang lalawigan, kusang inamin ni Bendal ang pag-iingat ng nasamsam na baril at granada at sa tulong ng kapatid ng suspek na si Angelica Bendal Razo, madali nilang natunton ang lugar, kasama ang ilang tauhan ng Pampanga Provincial Field Unit at opisyal ng barangay ng San Matias na tumayong testigo sa isinagawang police operation.

Nabatid na unang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng CIDG-NDFU at Northern Police District (NPD) sina Bendal at driver niyang si Jess Noriega, 41 sa isang buy-bust operation Martes ng hapon sa 7th Avenue, Caloocan City matapos pagbentahan ng hindi lisensiyadong kalibre .45 baril ang pulis na nagpanggap na buyer.

Narekober sa mga nadakip ang shabu at marijuana na may kabuuang halagang P1,528,000, pati na ang ibinebentang baril, mga bala at buy-bust money.

Nauna ng binanggit ni Lt. Col. Bautista na sangkot ang dalawa sa pagbebenta ng ilegal na droga at hindi lisensiyadong armas sa area ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA). Boysan Buenaventura