Baril, granada at tobats narekober sa Las Piñas drug-ops

Baril, granada at tobats narekober sa Las Piñas drug-ops

February 19, 2023 @ 4:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nadakip ng mga operatiba ng Las Piñas Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang isang drug suspect na nahulihan din ng baril at granada sa ikinasang buy-bust operation Biyernes ng gabi (Pebrero 17).

Kinilala ni Las Piñas police chief P/Col. Jaime Santos ang inarestong suspect na si Roberto Aringo, 30, ak.a. Jon.

Base sa report na isinumite kay Santos, naging matagumpay ang pagsasagawa ng buy-bust operation dakong alas 6:30 ng gabi sa Kawayanan Tambakan, Pulanglupa Uno, Las Piñas City.

Sinabi ni Santos na sa ikinasang buy-bust operation ay nakarekober ang mga operatiba ng tatlong heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng 12.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P82,960.

Ayon kay Santos, bukod pa sa nakumpiskang ilegal na droga ay nakarekober din ng mga operatiba sa posesyon ng suspect ang isang granada, isang kalibre .38 rebolber at ang P500 buy-bust money.

Ang narekober na ilegal na droga sa suspect ay dinala sa Southern Police District (SPD) Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.

Nahaharap sa kasong R.A. 9165 o anti-illegal drugs law pati na rin ng kasong illegal possession of firearms and explosives ang suspect sa Las Pinas City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan