Barko, 3 bangka nahuling nagnanakaw ng diesel

Barko, 3 bangka nahuling nagnanakaw ng diesel

January 30, 2023 @ 12:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naaktuhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barko at tatlong bangka na nagnanakaw ng diesel (fuel pilferage) sa katubigan ng Navotas Fish Port noong ika-28 ng Enero 2023, ayon sa ulat ngayong Lunes ng coast guard.

Humigit-kumulang 20,000 hanggang 30,000 litro ng diesel ang naisalin ng M/V MIROLA 1 sa tatlong bangka nang maaktuhan ng PCG.

Nagpapatrulya umano ang PCG team nang mamataan ang limang tripulante ng M/V Mirola 1 na nagsasalin ng diesel sa tatlong bangka na may sakay na 13 tripulante.

Ang tatlong bangka ay ang PALAWAN PIRATES 2022, PALAWAN PIRATES 2023, at PALAWAN PATRICK.

Agad na ininspeksyon ang mga sasakyang pandagat at nakumpirma ang pagsasagawa ng iligal na aktibidad (fuel pilferage).

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nakumpirma rin na walang dokumento ang mga ito.

Sa kanilang pagsisiyasat, nadiskubre ng PCG na sangkot din ang tatlong bangka sa fuel pilferage, hindi lamang sa katubigan ng Maynila, kundi pati na rin sa Bataan at Batangas.

Agad na dinala sa Coast Guard Sub-Station Navotas mga sangkot na sasakyang pandagat at mga tripulante nito para sa paghahain ng karampatang kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden