Barko na karagado ng kontrabandong asukal, naharang ng BOC

Barko na karagado ng kontrabandong asukal, naharang ng BOC

August 19, 2022 @ 6:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinigil ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Subic sa lalawigan ng Zambales ang MV Bangpakaew na nagmula sa bansang Thailand nitong Agosto 18 makaraang makatanggap sila ng impormasyon na naglalaman ito ng mga kontrabandong sako-sako ng asukal.

Ayon sa BOC, ang nasabing barko ay hinihinalang may dalang humigit-kumulang 140,000 bag o 7,000MT ng asukal na inuri bilang Reserved Sugar Bottlers’ Grade ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ayon sa Sugar Order No. 3, serye ng 2021-2022.

Nagpadala na ang Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) ng mga imbestigador sa Port of Subic para alamin ang mga katotohanan tungkol sa nasabing shipment. Ikinokonsidera ng BOC ang pagsasampa ng kaso sa Action Team against Smugglers (BATAS) depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Samantala, kamakailan lamang ay pinuri ng Sugar Regulatory Administration ang Port of Subic sa matagumpay nitong paghuli sa 11,384 bag ng refined sugar na nagkakahalaga ng P28.46 milyon noong Disyembre 2021. JAY Reyes