Barko sumadsad; 103 pasahero inilikas ng PCG

Barko sumadsad; 103 pasahero inilikas ng PCG

October 10, 2022 @ 10:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sumadsad ang isang ferry sa katubigan ng Benoni Port, Camiguin sakay ang 103 pasahero.

Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, mabilis na inilikas ang mga pasahero ng barkong Super Shuttle Ferry 21 nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa kapitan ng barko na si Captain Ian Sumaylo, habang nagmamaneobra mula sa Benoni Port papuntang Balingoan Port sa Misamis Oriental, napansin ng Chief Mate na nakapatay pala ang kanilang “steering power.”

Naging mahirap ang pagmamaneobra dahil dito kaya sumadsad ang kanilang barko.

Agad na nag-deploy ng PCG rescue team para mailikas ang mga pasahero.

Sa isinagawang inspeksyon, nakumpirma na ligtas ang barko sa anumang sira at wala ring naganap na oil spill.

May karga ring 17 kargamento ang naturang barko ayon sa PCG.

Inilipat ang mga pasahero at kargamento sa Super Shuttle Ferry 28 na bumiyahe papunta sa kanilang destinasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden