Barkong may kargang asukal mula Thailand naharang sa Batangas

Barkong may kargang asukal mula Thailand naharang sa Batangas

October 24, 2022 @ 6:29 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi pinayagan ng Philippine Ports Authority sa Batangas na makadaong sa pribadong pantalan ang isang barko na may lulan na sako-sakong imported na asukal.

Ayon kay PPA Batangas Port Manager Joselito Sinocruz, galing Thailand ang MV Deryoung Sunflower na dumating sa Batangas noong Oktubre 19, 2022 sakay ang 194,000 bags ng asukal.

Nais ng naturang barko na makadaong sa isang private port sa Bauan pero hindi ito pinagbigyan ng PPA-Batangas dahil batay sa patakaran, dapat ang lahat ng imported na asukal at bigas ay sa mga government ports lamang pwedeng magbaba at magsakay ng mga kargamento upang maiwasan ang smuggling.

Ang naturang asukal ay inangkat ng isang beverages company.

Giit ng PPA-Batangas, papayagan lamang nilang dumaong ang barko kung ito ay sa government port.

Hindi pa malinaw kung bakit sa pribadong pantalan nais ng barkong MV Deryoung Sunflower dumaong. RNT