Barkong pandigma ng Pinas, nagpakitang-gilas

Barkong pandigma ng Pinas, nagpakitang-gilas

April 6, 2022 @ 10:24 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Sa kauna-unahang pagkakataon ay sumalang na sa sea trial ang  ikalawang 97-meter multi-role response vessel (MRRV) ng Philippine Coast Guard (PCG) na kikilalanin bilang BRP Melchora Aquino.

Sa pangunguna ng Mitsubishi Shipbuilding Co. Ltd., naging ligtas at matagumpay ang naturang inisiyatibo na layong suriin ang kahandaan ng naturang barko bago tuluyang lumayag pauwi ng Pilipinas sa susunod na buwan.

Mayroon maximum speed na hindi bababa sa 24 knots ang MRRV-9702 tulad ng MRRV-9701; endurance na di bababa sa 4,000 nautical miles; at kakayanang magsagawa ng pang-matagalang pagpapatrolya sa West Philippine Sea, Philippine Rise, at iba pang bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas..

Noong ika-26 ng Pebrero 2022, ligtas na nakarating sa bansa ang MRRV-9701 na kikilalanin bilang BRP Teresa Magbanua  sa oras na ma-komisyon sa serbisyo.

Sa suporta ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, binili ang dalawang 97-meter MRRV mula Japan para lalong palakasin ang PCG sa ilalim  ng Maritime Safety Capability Improvement Project Phase II (MSCIP Phase 2) ng DOTr. Jocelyn Tabangcura-Domenden