Barriga magreretiro na sa boksing

Barriga magreretiro na sa boksing

June 26, 2022 @ 11:34 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinag-iisipan ni Filipino Olympian Mark Anthony Barriga ang pagreretiro sa kabila ng alok na muling lumaban para sa world title kasunod ng unanimous decision loss laban kay WBO world light flyweight champion Jonathan Gonzalez nitong Sabado sa Osceola Heritage Park sa Kissimmee, USA.

“Pagkatapos ng laban, lumapit sa akin ang WBO President. Gusto nilang bumaba ako sa 105 pounds at bigyan ulit ako ng world title fight. Sa kanya nanggaling iyon, pero kailangan kong pag-isipan ito dahil masyadong mababa ang 105 para sa akin at baka ito na ang huling laban ko,” ayon sa video na ipinost ni Barriga sa FB.

Naging maganda ang simula ni Barriga, 29, laban kay Gonzalez nang ipinakita niya ang kanyang pamosong depensa at mabilis na kumbinasyon.

Gayunpaman, ang kampeon ay nakipaglaban nang mabilis sa mga susunod na round na napatunayang mahalaga sa pagwawagi sa laban.

Bagama’t kinulang ang Pinoy, nagawa pa rin niyang mapabilib at makuha ang respeto ng maraming tagahanga ng laban sa buong mundo.

Sa kasamaang palad para sa kanila, sinabi ni Barriga na maaaring ngayon na ang huling pagkakataon na tumuntong siya sa loob ng ring.

“Gusto kong mag-focus sa business ko. Ang totoo kahit walang boxing mabubuhay ako. Dahil sa aking hilig at kagustuhang kumatawan sa Pilipinas, ginagawa ko ito kahit nasa linya ang aking buhay. Pero sa ngayon, after 20 years of boxing I think this is the right time,” ani Barriga.RICO NAVARRO