BARYA-BARYA LANG!

BARYA-BARYA LANG!

July 9, 2021 @ 6:19 PM 1 year ago


MALAKI ang respeto ko sa mga negosyanteng Chinese at ang kanilang pamumuhunan at pagdala ng trabaho rito sa Pilipinas.

Marami akong personal na mga kaibigang Chinese na mababait sa mga trabahador nila at respetado sa iba’t ibang larangan ng industriya.

Pero hindi ko mapapalampas ang ginawa nitong si Jasper Cheng So na may-ari ng Nexgreen Enterprises sa kanyang empleyado na si Russel Manoza.

Sa mga balitang itinampok, binigyan ng sweldong lampas isanlibong piso si Russel na puro barya, para sa dalawang araw niyang trabaho.

Sabi ni Russel, pakiramdam nya’y napagdiskitahan siya dahil nagreklamo sila laban sa Nexgreen sa hindi tamang pa-sweldo. Napag-initan siguro.

Ang Nexgreen Enterprises ay nag-o-operate sa Valenzuela City, kaya kumilos agad si Mayor Rex Gatchalian.
Bukod sa napagalitan itong si Jasper So, nasuspindi pa ang business permit ng kompanya at naipasara ng 15 araw.

Marami pang nailistang paglabag ang Workers’ Affairs Office ng Valenzuela City, kaya ‘pag hindi ito naayos ng Nexgreen, malamang ay permanenteng hindi na sila magbukas.

Kasama na rito ang hindi pagbabayad ng overtime, hindi pagbabayad ng buwis, at hindi pagbabayad ng SSS, PhilHealth at PAGIBIG.

Saludo tayo sa mabilis na aksyon ni Mayor Rex Gatchalian, pati na rin ang pakikiisa ng DOLE at ni Kalihim Silvestre Bello para makakuha ng katarungan si Russel.

Sana hindi na dumami ang mga katulad niya na naharap sa pang-aapi.

Sobrang pambabastos ang ginawa nitong si Jasper Cheng So, at dapat lang na maparusahan sya. Pero sana hindi magdusa ang mga empleyado sa kasalanan o pagkukulangng may-ari.

Maging aral sana ito sa mga investor at may-ari ng mga pagawaan dito sa Pilipinas. Bukod sa tama at sapat na kita, ang dignidad ng isang manggagawa ay nakakabit din sa makataong pagtrato sa kanya.

Tandaan natin – kasama ng mga guro, mga health worker at mga magsasaka, ang factory workers, ang mga limot na bayani sa lipunan.