Barzaga nag-alok ng reward sa hit and run driver sa Cavite

Barzaga nag-alok ng reward sa hit and run driver sa Cavite

January 23, 2023 @ 6:38 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Agad na nag alok ng P25,000 reward si Cavite 4th district Rep. Elpidio Barzaga Jr. sa sinumang makapagbibigay impormasyon para matunton ang pagkakakilanlan ng driver ng isang van na sangkot sa hit and run accident sa apat na motorcycle riders sa Dasmariñas City.

Ang insidente ay naganap nitong Lunes, Enero 23, ganap na alas-1:57 ng madaling araw sa intersection ng Aguinaldo Highway at Dani St. sa nasabing bayan, matapos araruhin ng driver na sakay ng Toyota Hi Ace Commuter van na may plakang DDZ 8564 ang mga biktima, sabay kumaripas ito ng takbo.

Ang mga biktima na agad dinala sa Pagamutan ng Dasmarinas ay nakilalang sina Mikko Jan Servido, Mark Daniel Valdez, ng Solar Homes, San Agustin I; Michael Jhon Engane ng City Homes, Langkaan 2 at Jay Ar Tuasoc,ng City Homes Resortville, Langkaan 2.

Sa closed-circuit television (CCTV) camera footage na ibinahagi ni Barzaga kitang-kita ang biglang pagsulpot ng van na niragasa ang mga motorbikers na noon ay nakatigil sa red light traffic signal.

Nakipag-ugnayan na si Barzaga sa Land Transportation Office (LTO) para matukoy kung kanino nakarehistro ang sasakyan. Gail Mendoza