Baste, dedma sa pagiging KSP ni Bello

Baste, dedma sa pagiging KSP ni Bello

April 21, 2022 @ 8:47 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay-malisya lang si Acting City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa tila pagpapapansin o pagiging Kulang Sa Pansin (KSP) ni vice-presidential aspirant Walden Bello nang mag-post ito ng larawan na nakaupo sa vice mayor’s chair sa City Council Session Hall.

“It is not clear to us what their intentions are. It is campaign season and this may be their way to gain traction and attention to their ailing campaign or for other reasons only known to them. Makita ra ninyo kung unsang klase ni nga mga tawo [You see what kind of people they are],” saad sa inilabas na pahayag ni Baste.

“Things like this must only be ignored and disregarded,” dagdag pa niya.

Para rin sa ilang netizens at miyembro ng City Council, isa itong pang-iinsulto at kawalang-galang hindi lamang sa legislative body kundi sa buong Dabawenyos.

Hindi rin kasi nagustuhan ng mga ilang netizens at miyembro ng City Council na habang nakaupo si Bello sa presiding officer’s chair, nagawa pa nito (Bello) na ipokpok ang gavel.

Bago pumasok sa Sangguniang Panlungsod (SP) building, sarkastikong sinabi ni Bello na nais niyang pumunta sa session hall upang tanggapin ang kopya ng desisyon ng City Council na nagdedeklara sa kanya bilang persona non grata.

Matapos ito, si Bello at ang kanyang mga kasama ay hiniling sa SP security na umalis sa premises. Ayon sa security, si Bello at ang kanyang mga kasama ay pumasok sa City Council session hall nang walang anumang prior coordination.

Si Bello ay nasa lungsod upang maghain ng counter-affidavit sa libel case na isinampa laban sa kanya ni dating Davao City information officer Jefry Tupas. RNT