Basura sa Boracay Island hahakutin na – DENR

Basura sa Boracay Island hahakutin na – DENR

July 4, 2018 @ 7:17 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Upang maprotektahan ang Isla ng Boracay sa tuluyang pagkasira, hahakutin na ang mga basura sa isla upang mapangalagaan ang kagandahan ng isla.

Ito ang sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy A. Cimatu chairman ng inter-agency Task Force Boracay.

Sa isang interbiyu sa 31st. founding anniversary ng DENR kanina Hulyo 4, 2018 (Miyerkules) sinabi ni Cimatu na hahakutin na ang mga basura sa Boracay sa sandaling muling buksan ito sa publiko.

Magugunitang ipinasara ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakalipas na Abril 26, 2018  ang Isla ng Boracay upang i-rehabilitate matapos umanong masira ang isla.

Naniniwala si Cimatu na muling maibabalik ang dating ganda ng Isla ng Boracay kung makikipagtulungan ang lahat para muling manumbalik ang isla.

Sinabi pa ng DENR secretary na sa kasalukuyan kailangan mai-rehabilitate muna ang Boracay upang maging ligtas ito at environmentally sustainable ang Boracay na ang lahat ay makikinabang sa ganda ng isla.

Samantala sinabi naman ni Director Eli Ildefonso Executive Director ng National Solid Waste Management ng DENR dahil sa kawalan ng pasilidad sa isla ng Boracay para paglagakan ng basura hahakutin na lamang ang basura sa isla ng Boracay at isasakay sa barge para dalhin sa ibang lugar.

Sinabi ni Ildefonso na sa naturang hakbang matitiyak na hindi kung saan saan lamang itatapon ang mga basura sa lugar ng Boracay.

Idinagdag pa nito na sa naturang hakbang mas mapoprotektahan ang isla ng Boracay sa tuluyang pagkasira nito. (Santi Celario)