Basurero inararo ng kotse, dedo

Basurero inararo ng kotse, dedo

February 9, 2022 @ 5:51 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Patay ang isang basurero nang araruhin ng sasakyan habang tumatawid sa kalsada sa Quezon City, nitong  Martes  ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rodolfo Fontillas, 41 anyos, mangangalakal ng basura na nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng kotse na tumakas matapos ang aksidente.

Base sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Traffic Sector 4, pasado 11:00 ng gabi (February 9)  nang maganap ang aksidente sa Kamuning Road, sa nasabing lungsod.

Ayon sa isang saksi, tumatawid ng kalsada ang biktima nang mabangga ito ng isang kotse subalit sa halip huminto ay humarurot palayo ang hindi naplakahang kotse at tumakas.

Tinangka pa umanong habulin ng isang concerned motorcycle rider ang kotse ngunit hindi na ito naabutan pa matapos na sumignal ng stop ang traffic light sa kanto ng EDSA.

Ang kotse naman ay dumiretso umano sa Kamias Road at tuluyan nang nakalayo.

Agad namang tumawag ng rescue ang mga saksi ngunit wala nang buhay ang biktima nang datnan ng mga ito.

Sinabi ng kapatid ng biktima na nagpaalam lamang sa kanila si Fontillas na mangangalakal ng basura matapos silang maghapunan at laking gulat na lang nila nang puntahan sila ng barangay matapos ang kalahating oras at ipaalam ang sinapit ng kanilang kapatid.

Nabatid na bagamat hindi naplakahan ang kotse ay may nakuha namang basag na salamin nito mula sa headlight kung saan nakakabit ang kanyang RFID sticker.

Gagamitin umano ito ng mga awtoridad para matukoy kung sino ang may-ari ng kotseng nakabangga sa biktima. Jan Sinocruz