Basurero na sabit sa droga, nirapido sa loob ng bahay ng 2 maskarado

Basurero na sabit sa droga, nirapido sa loob ng bahay ng 2 maskarado

June 3, 2020 @ 11:23 AM 11 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Lumuwag na ang mga tao sa lansangan kaya pati mga kriminal ay nagkaroon na rin ng laya.

Isang 40-anyos garbage collector ang natadtad ng bala ng baril ang katawan at namatay matapos rapiduhin ng dalawang hinihinalang “hitman” sa Tondo, Maynila Martes ng hapon.

Namatay noon din ang biktimang si Jose Dennis Dazer, nakatira sa Bldg. 2, Aroma Cmpd., Brgy. 105, Tondo.

Ang dalawang salarin na naka-facemask, nakasuot ng itim na longsleeve at armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril ay nakatakas.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 4:00 p.m. nitong Martes nang maganap ang pamamaril sa biktima sa loob ng kanyang bahay.

Sa ulat ng pulisya, isa sa suspek ang rumapido sa biktima habang nagsilbing look-out ang isa pa.

Nang matiyak na napatay na nila si Dazer ay tila walang anumang lumayo sa crime scene ang mga salarin.

Wala rin ni isa sa mga kapitbahay ng biktima ang nangtangkang humarang sa mga suspek sa takot na maging sila ay idamay.

Sinabi ng kinakasamang si Marilyn Villamonte, 52, nasaksihan niya kung paano pinagbabaril ang biktima. Hindi niya namukhaan ang mga suspek dahil nakatakip ang mga mukha.

Sa imbestigasyon ni Det. Rodolfo Acosta, may kaugnayan umano sa droga ang motibo sa pagpatay kay Dazer. RENE CRISOSTOMO


  •  
  •  
  •