Basurero nakapulot ng kahong ginto sa Bulacan, ibinalik sa may-ari

Basurero nakapulot ng kahong ginto sa Bulacan, ibinalik sa may-ari

July 12, 2021 @ 5:31 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng hirap sa buhay hindi nagawang matukso sa kinang ng ginto ang isang garbage collector na nakapulot ng isang box na naglalaman ng mga alahas at nagkakahalaga ng P40,000 habang naghahalungkat ng basura sa Malolos, Bulacan.

Nagpasalamat ang online seller ng alahas na si Rella Estrella kay Pedro Bautista na isang basurerong may mabuting puso mula sa Brgy. Caingin.

Aniya, ipinatong at iniwan niya ang box na naglalaman ng alahas sa harapan ng tindahan nila na nakatakdang ibenta online.

Tiyempong naroroon ang kanyang ina na umanoy nataranta sa mga bumibili at nang dumating ang mga garbage boy kaya hindi sinasadyang naitapon ang box kasama sa mga basura.

Naiyak na siya pero patuloy pa rin siyang naghalughog sa loob ng bahay at nagbakasakaling makita hanggang sa maisip na posibleng naitapon ng ina niya sa garbage truck.

Pero laking gulat niya nang pumunta ang ilang taga-barangay sa kanyang bahay para sabihing pumunta sa kanilang tanggapan at ibabalik sa kanya ang naturang box.

Kuwento ng basurero,noong Sabado ay nagsesegregate sila ng basura kaya napulot nila ito.

Nalamang maraming beses na nakakapulot ang mga garbage collector ng Brgy.Caingin ng mga nawawalang gamit gaya ng cellphone at naibabalk naman sa naghahanap na may-ari.

Dahil dito, sinubukan bigyan ng reward money ang naturang basurero ng may-ari ng nawawalang box subalit hindi nila ito tinanggap.

Sinabi naman ng basurero na kaya nila ibinalik ay dahil kilala nila ang pangalang nakalagay sa box at kilala rin nila ito na matulungin kahit hindi pa panahon ng pandemya hanggang ngayon.

Todo-todo ang pasalamat ng online seller basurerong may ginintuang puso. Dick Mirasol III