Bata na dinukot ng sariling ama, nasagip

Bata na dinukot ng sariling ama, nasagip

August 4, 2018 @ 5:19 PM 5 years ago


Isabela – Timbog ng mga operatiba ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police ang isang Chinese National makaraang dukutin nito ang kanyang isang taong gulang na anak at nanghingi pa ng ransom money sa ina sa Ilagan City, Isabela nitong Biyernes.

Batay sa report kay PNP-AKG Director Chief Supt. Glenn Dumlao, nanghihingi umano ang suspek sa kanyang asawa ng P200,000 kapalit ng paglaya ng kanilang anak na babae na dinukot nitong July 27.

Subalit agad namang humingi ng tulong sa pulisya ang ina at ikinasa ang operasyon laban sa kanyang asawa na nasa edad 30 at kapwa taga-Yangzhou, China.

Bago ang isinagawang pagsagip sa bata ay maingat na minonitor ang bawat galaw ng suspek at tuluyang na-trace ang mag-ama sa pamamagitan ng cellphone sa isang hotel sa Ilagan City.

Nabatid na pinuwersa umanong kunin ng ama ang bata na walang permiso sa ina na malinaw at maituturing na isang kidnapping.

Tumuloy umano ang mag-ama ng tatlong araw sa Isabela City para maghanap ng oportunidad sa negosyo.

Itinanggi naman sa pulisya ng suspek na dinukot nito ang bata at nanghihingi pa ng ransom.

Giit ng lalaki, na siya at ang kanyang asawa ay hindi na nagsasama noon pa dahil sa hindi nila pagkakaintindihan sa isa’t isa. (Jeff Gallos)