BATA NI GOV. NA ALYAS “JB” PINAIIMBESTIGAHAN?

BATA NI GOV. NA ALYAS “JB” PINAIIMBESTIGAHAN?

February 8, 2023 @ 1:21 PM 2 months ago


ANG tagak kapag natuntong sa kalabaw, tingin niya sa sarili ay mas mataas pa siya sa tinutungtungan niya.

Ganitong-ganito ang pakiramdam ng isang malapit na tauhan ng isang pulitiko sa lalawigang sakop ng Region 4-A na matapos mabigyan ng kapangyarihan at pamunuan ang isang malaking grupong naatasang sumugpo sa ilang mga iligal na aktibidad, pero tila ngayon ang sentro ng batikos dahil sa umano’y mga ginawang pang-aabuso.

Hindi maikakaila na malawak ang hawak na kapangyarihan ng pamilya ng pulitiko sa lalawigang dahil sa tatlong dekada nilang pamumuno na tunay namang makikita ang pag-unlad kaya’t minahal sila ng maraming mamamayan.

Magmula kasi sa ama, naipasa ang kapangyarihan sa asawa at mga anak kaya’t nagtuloy-tuloy ang pag-unlad ng lalawigan dahil hindi nababalam ang mga proyekto, hindi tulad sa ibang lalawigan na paiba-iba ang namumuno kaya’t paiba-iba rin ang programa at proyekto na dahilan nang pagkabalam ng pag-unlad.

Balikan natin si “Tagak” na dahil sa kanyang pagiging tapat noong una sa kanyang tungkulin at masigasig na nagagawa ang trabaho, sumabay sa pag-imbulog ng pangalan ng kanyang mga amo ang pagiging hambog at abusado naman nitong kanyang tauhan na itago natin sa alyas JB as in “Judas Belt”.

Si JB, bukod sa hawak na posisyon bilang hepe ng makapangyarihang grupo na binuo ng pamilya ng pulitiko, ay isa ring pangulo ng homeowners association sa kanilang subdivision sa isa sa mga bayan sa naturang lalawigan.

At alam n’yo ba kung paano siya nahalal bilang pangulo? Aba’y tinakot ang sinomang kakasa sa halalan kaya hayun, walang lumaban. Presto! Siya ang naupo mula noon, hanggang ngayon.

Kung itatanong kung bakit ginusto pa niya ang karagdagang trabaho, aba’y lahat kasi ng galaw ng mga residente sa nasasakupang subdivision, kailangan nilang maglagay pagbabayad ng P20 araw-araw sa lahat ng mga nagtitinda at namamasada ng pedicab o tricycle na papasok sa kanilang teritoryo.

Hindi lang yan, ang sinomang magpapagawa ng bahay ay kailangang magbayad ng bond sa kanya na P25K na wala nang balikan at bawat pasok ng construction materials, sinisingil ng pinakamababang halagang P100, kumporme sa dami nang ipapasok na materyales.

Dahil may paaralan sa loob ng subdivision, siyempre, me maghahatid na pedicab sa mga batang estudyante at para makapaghatid, dapat ay may sticker ang pedicab o tricycle na ang bayad ang P25 kada taon.

Ultimong ang mga residente na naputulan ng tubig o kuryente, kailangang magbayad sa kanya ng P500 kung muling maga-apply para maikabit muli ang naputol na tubig o kuryente.

Pero barya-barya lang pala ito dahil ang pinakamalaking ganansiya ni JB ay galing sa mga iligal na aktibidad sa buong lalawigan na siya ang pasimuno at kahit alam na ito ng pulis o maging alkalde ng mga bayan, hindi sila makapalag sa “bata ni Gov.” dahil batid nilang bagyo ang amo nito.

Kaso, mukhang buking na raw ng pamilya ni Gov. ang masamang kostumbre ni JB at pina-iimbestigahan na siya ngayon. Sana, totoo at hindi pakitang tao o drawing lang ang kunwa’y pag-iimbestiga si JB dahil kapag nagkataon, lalo pang hahaba ang sungay nito at posibleng suwagin na pati ang kanyang amo.