Bata patay sa gulpi ng tiyuhin, live-in partner

Bata patay sa gulpi ng tiyuhin, live-in partner

November 20, 2022 @ 8:39 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Dahil lamang sa naubos na ulam ay buhay ang naging kapalit matapos gulpihin ng tiyuhin at live-in partner nito ang isang walong taong gulang na batang lalaki sa Quezon City.

Sa impormasyon, inuntog sa pader, ibinalibag sa sahig at binagsakan pa ng LPG cylinder ang kawawang bata. Bukod dito ay pinagsusuntok, pinagsasampal at sinikmuraan pa ang biktima na itinago sa pangalang JM.

“Binagsakan pa ng LPG sa katawan noong nakahiga ang bata. Binuhat, inuntog sa sahig, nilunod pa ang bata. Pinalabas nila, naaksidente raw sa CR dahil sa kalikutan kaya sinugod nila sa ospital,” pahayag ni Police Lieutenant Anthony Dacquel, investigation section chief ng Quezon City Police District Station 14.

“Sa ngayon naghihintay pa kami ng autopsy pero ang nasa death certificate niya is blood trauma to the head. Karamihan kasi puro sa ulo ang tama niya eh,” dagdag pa niya.

Nang puntahan naman ng mga social worker ang bahay ng suspek ay hindi nila ito naabutan ngunit kalaunan ay nadakip din ng mga awtoridad.

“Nakainom din po ako sa araw na iyon, nagdilim ang paningin ko kaya nagalit po ako doon sa bata,” pahayag naman ng live-in partner ng suspek.

“Dinidisiplina lang, sinasabi ko rin naman ho sa kanila kung ano ‘yung kasalanan,” rason naman ng tiyuhin.

Napag-alaman din na maliban kay JM, sinasaktan din ng mag-live in partner ang dalawa pang kapatid nito na edad 10 at 7 naman sa loob ng mahigit isang taon.

Dagdag pa, inamin din ng panganay na ginahasa siya ng partner ng kanilang tiyuhin.

Dahil dito ay sasailalim sa counseling at stress debriefing ang mga bata samantala isasalang naman sa drug test ang mga suspek na nahaharap sa kasong murder, rape at child abuse. RNT/JGC