BATAAN NUCLEAR PLANT PAG-ARALAN MUNA

BATAAN NUCLEAR PLANT PAG-ARALAN MUNA

January 14, 2023 @ 2:58 AM 2 weeks ago


MAY nag-uudyok sa pamahalaang Marcos na buhayin ang Bataan Nuclear Plant o BNP.

Katwiran nila, malinis, mura at matagalan ang plantang nukleyar.

Napakaraming bansa ang may plantang nukleyar at napakikinabangan nila ito nang husto sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kasama na ang natural gas para sa paglikha ng kuryente.

Itinayo ang Bataan Nuclear Plant noong panahon ni Manong Ferdie na tatang ni Pangulong Bongbong ngunit naharang ang operasyon nito ng mapalitan na Pangulo si Manong Ferdie noong 1986.

KARANASAN SA NUCLEAR PLANT

Bago natin payagan ang pagbuhay ng BNP, kailangang alalahanin natin ang ilang karanasan sa nagkaproblemang mga plantang nukleyar sa ibang mga bansa.

Sa Three Mile Island Nuclear Station sa Pennsylvania, United States, na nagkaroon ng meltdown sa Unit 2 nito noong 1979 ngunit wala umanong namatay na tao kundi nagkasakit lamang.

Isinara ito dahil sa mga radiation at lason na nilikha nito ngunit ipinagpatuloy ang operasyon ng Unit 2 hanggang nitong 2019.

Tuluyan nang isasara ito sa 2079 at aabot umano marahil sa apat na dekada bago maideklarang ligtas ito sa mga tao.

CHERNOBYL NUCLEAR PLANT

Ang labis na nakamamatay na pagsabog ng nuclear plant ay nasaksihan sa Chernobyl nuclear plant sa Ukraine noong 1986.

Ilang beses na mas malakas ang radiation sa mga bombang atomika na ibinagsak sa Hiroshima at Nagasaki, Japan noong ikalawang digmaang pandaigdig ang nalikha ng Chernobyl.

Unang namatay sa apoy at radiation ang 50 katao na nag-eksperimento sa Unit 4 ng planta at sinundan ito ng mahigit sa 4,0000 na namatay sa cancer at iba pang sakit sa iba’t ibang bansa na natamaan ng kumalat sa Europa na radiation at lason nito mula sa kalangitan na sumama sa mga ulap at  ulan.

Kasama sa mga napinsala ang mga hayop at halaman na nabagsakan ng radiation at lason.

Isinara ito noong taong 2000.

FUKUSHIMA NUCLEAR PLANT

Ninais noon ng Russia na itago ang disgrasya sa Chernobyl ngunit nabuking din ng mga bansang malalapit dito, gaya ng Findland, Sweden at Belarus, kasama na ang France at Italy.

Nang sumabog ang Fukushima nuclear plant noong 2011, hindi naitago dahil nakunan ito ng mga larawan ng mga CCTV at cellphone habang sumasabog at nilalamon ng apoy.

Sumabog ang planta nang masira ang mga partes, kuryente at generator nito makaraang lumindol nang napakalakas, magnitude 9, sa lugar.

Lumikha ng hanggang 15 metrong taas ng tsunami ang lindol na sumira sa lahat ng kuryente at generator na sana’y bumuhay sa cooling system ng planta upang hindi masunog at sumabog.

Umabot sa 18,500 ang namatay sa apoy, pagsabog at lunod sa Fukushima habang 150,000 ang inilikas.

Ngayon itatapon na sa karagatan ang mahigit limang milyong drum ng “tubig na malinis na umano sa radiation at lason” sa mga susunod na buwan.

Ngunit marami ang naniniwala na may radiation at lason pa rin ang mga ito na dadalhin ng tubig-dagat sa iba’t ibang parte ng mundo.

O aprub ba kayo sa plantang nukleyar?