Bataan nuclear plant walang budget sa 2023-DBM

Bataan nuclear plant walang budget sa 2023-DBM

September 1, 2022 @ 2:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi nakatanggap ng alokasyon ng pondo para sa 2023 national budget ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na isa sa tinitignang posibleng buhayin para sa paggamit ng nuclear energy ng Pilipinas.

Kinumpirma ito mismo ni Department of Budget and Management (DBM)  Secretary Amenah Pangandaman sa isang press briefing.

“Para sa Bataan Nuclear Power Plant, wala po tayong budget,” ani Pangandaman.

Ang BNPP sa Morong, Bataan, ay isang proyektong itinayo noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ang ama ni Pangulong Bongbong Marcos. Hindi ito kailanman ginamit dahil sa mga alalahanin sa kaligtasan.

Sa ilalim ng 2023 NEP, ang Department of Energy (DOE) ay tatanggap ng kabuuang P2.2 bilyon para sa mga programa nito na magtitiyak sa pagkakaroon ng abot-kaya at maaasahang enerhiya.

Sa halagang ito, PHP476 milyon ang gagamitin para sa Renewable Energy Development Program nito, Energy Efficiency, and Conservation Program, at Alternative Fuels and Technologies Program.

Nauna nang sinabi ni Marcos na ang paghahanap ng gobyerno ng mga bagong pinagmumulan ng kuryente ay dapat palaging naglalayon upang mapabuti ang halo ng suplay ng enerhiya sa pagitan ng tradisyonal at renewable na pinagkukunan.

Bagama’t hindi niya partikular na binanggit ang BNPP, sinabi ni Marcos sa kanyang unang State of the Nationa address na nais niyang “muling suriin” ang diskarte ng gobyerno sa pagtatayo ng mga nuclear power plant sa bansa. RNT