Batang babae natusta sa katol

Batang babae natusta sa katol

November 17, 2022 @ 11:35 AM 3 weeks ago


GENERAL SANTOS CITY – Natusta ng buhay ang isang batang babae matapos tupukin ng apoy ang kanilang bahay makaraan iwanan itong mag-isang natutulog ng kanyang mga magulang na may nakasinding katol sa ilalim ng higaan kahapon ng madaling-araw, Nobyembre 16 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Cassy Pantinople, 6-anyos, at residente sa Nursery Road, Barangay Lagao ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng Bureau of Fire Protection-GenSan, dakong 4:00 AM nakatanggap sila ng report hinggil sa nasusunog na bahay sa nasabing lugar.

Agad naman rumesponde ang mga awtoridad sa lugar subalit naabutan na nilang tupok na ang bahay dahil gawa lamang ito sa light materials.

Narekober na lamang din ang sunog na bangkay ng biktima.

Kwento ng mag-asawang Peter, 31, at Regine Pantinople, 28, bandang alas-2 ng madaling araw ay iniwan nilang mag-isa ang anak na natutulog para magtinda sa palengke.

Hindi na nila ginising pa ang anak dahil pumapasok ito sa paaralan kaya hinayaan na muna nilang matulog na may nakasinding katol sa ilalim ng kama.

Kampante rin silang iwanan ang anak dahil may CCTV ang loob ng kanilang bahay na nakakonekta sa kanilang cellphone.

Subalit, makalipas ang ilang oras nakatanggap na lamang sila ng tawag sa kanilang ama na nasusunog ang kanilang bahay.

Sinabi pa ni Peter na sinasama naman nila sa palengke ang anak kapag walang pasok sa paaralan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente at inaalam na rin ang pinagmulan ng sunog kung ang naiwan na nakasinding katol o faulty electrical wiring ba ang dahilan nito. Mary Ann Sapico