Batang lalaki patay sa amang nangulila sa ina

Batang lalaki patay sa amang nangulila sa ina

June 3, 2022 @ 4:27 PM 4 weeks ago


SOUTH COTABATO- Hindi inakala ng isang ama ang tangka niyang pagpapakamatay dahil lamang sa pangungulila sa asawa ang magiging sanhi ng kamatayan ng kanyang sariling anak nang tumama ito sa mukha kamakailan sa bayan ng Surallah.

Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang 8-anyos na biktima habang nadakip naman ang suspek at ama nitong si Edwin Castillo Abajay, 42-anyos, kapwa residente sa Sitio San Vicente, Brgy. Centrala, Surallah, South Cotabato.

Batay sa report ng Surallah-PNP, bandang alas-2 ng madaling araw naganap ang insidente sa loob ng kwarto ng mag-ama sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente nag-iinuman ang suspek sa loob ng kanilang bahay kasama ang mga kaibigan at pagkatapos ay pumasok na ito sa kanilang silid para matulog.

Tumabi ang suspek sa natutulog niyang anak nang maisipan niyang tawagan ang asawa na nagtatrabaho sa ibang bansa subalit hindi nasagot ang tawag nito.

Dito, kumuha siya ng .38 caliber revolver at itinutok sa sintido para sana magpakamatay subalit aksidenteng lumihis ang bala at tumama sa mukha ng anak na tumagos sa tenga.

Nagawa pang isugod ang bata sa ospital pero dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Nadakip naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek at ngayon ay nahaharap sa kasong parricide.  Mary Anne Sapico