Batang nalulunod, patay sa pinangsagip na live wire

Batang nalulunod, patay sa pinangsagip na live wire

August 2, 2018 @ 3:22 PM 5 years ago


 

Malabon City – Patay ang isang 12 anyos na batang lalaki matapos itong aksidenteng makuryente nang madikit sa isang live wire sa Talabahan river, Miyerkules ng hapon sa Malabon City.

Dinala ng ilang nagmagandang loob na kapitbahay sa Ospital ng Malabon ang Grade 2 student subalit deklarado ng patay na ito ng attending physician pasado alas 2:30 ng hapon.

Ayon kay Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) investigator PO2 Diana Palmones, nauna rito, ang biktima at ang kanyang dalawang pinsan ay nagkayayaang pumunta sa ilog ng Talabahan para maligo.

Ilang sandali, nagdesisyon ang biktima na sumakay sa floating styrofoam sa nasabing ilog subalit aksidente itong nahulog sa tubig.

Nang bigong makaahon ang biktima, nakita ng kanyang kasama ang isang kawad ng kuryente sa kanyang tabi kaya kanya itong kinuha sa tulong ng mga tambay, ang hindi nila alam na live wire pala ito kaya dito na nakuryente ang biktima.

Ang katawan ng biktima ay dinala sa PNP Crime Laboratory para sa autopsy examination para masiguro ang sanhi ng kanyang kamatayan. (Roger Panizal)