Batangas-Mindoro “superbridge”, ipapagawa ni BBM kung manalo sa Mayo

Batangas-Mindoro “superbridge”, ipapagawa ni BBM kung manalo sa Mayo

April 22, 2022 @ 5:35 PM 2 months ago


CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Nangako si dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isusulong niya ang multi-million “superbridge” na magdurugtong sa Mindoro at sa mainland Luzon sa pamamagitan ng probinsya ng Batangas, sakaling mahalal na pangulo ng bansa sa Mayo.

Ayon kay Marcos, ang nasabing proyekto na bahagi ng Build Build Build program ng administrasyong Duterte, ay makakatulong sa development ng Oriental at Occidental Mindoro at ng mga kalapit nitong probinsya sa MIMAROPA kabilang ang Marinduque, Romblon, at Palawan.

Batay sa tala ng National Economic Development Authority Investment Coordination Committee (NEDA-ICC) ang Mindoro-Batangas super bridge ay kabilang sa listahan ng Department of Public Works and Highways ng sampung proyektong ikinokonsiderang susi sa pagpapaunlad at pagpapabilis ng pagbiyahe ng mga tao at kargamento.

Nagkakahalaga ang proyekto ng P18 bilyong na gagawin sa loob ng limang taon.

Magsisimula ito sa Barangay Ilijan sa Batangas, at dadaan sa Verde Island at sa Barangay Sinandigan sa Puerto Galera na may 15-kilometrong haba.

Una nang nagpahayag ng interes sa proyektong ito ang San Miguel Corporation pero nang tingnan sa Infrastructure Flagship Projects with Regional Breakdown ng NEDA ay makikitang target ng administrasyong Duterte na pondohan ito ng China. RNT/ JCM