Batas na nagbabawal sa 12-anyos pababa sa front seat, pirmado na

Batas na nagbabawal sa 12-anyos pababa sa front seat, pirmado na

March 15, 2019 @ 10:30 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Child Safety in Motor Vehicles Act.

Ipinagbabawal na sa bagong batas ang pagsakay sa front seat ng mga batang edad 12-anyos pababa maliban na lang kung maaabot nila ang height requirement na 4’11 at gagamit ng regular na seat belt.

Suportado naman ni Augusto Lagman, presidente ng Automobile Association of the Philippines, ang batas at sinabing ang pinakadelikadong upuan sa isang sasakyan ay ang front seat.

Sa kaparehong batas, nakasaad na mayroon dapat child restraint system gaya ng car seat at car bed para sa mga batang pasahero sa back seat bukod sa seat belt.

“When we say child restraint system that includes the seat whether its facing forward or its facing backward,” ani Lagman.

Base sa datos ng World Health Organization, ang pagkakaroon ng child restraint equipment ay magbabawas sa tiyansa ng pagkamatay ng mga batang nakasakay sa sasakyan ng halos 70%.

Ang mga mahuhuling lalabag sa bagong batas ay pagmumultahin ng P1,000 sa unang opensa, P2,000 sa ikalawa at P5,000 at kanselasyon ng driver’s license sa ikatlo.

Hindi naman sakop ng bagong batas ang mga public utility vehicles gaya ng mga bus, jeep at tricycle./Remate News Team