Manila, Philippines – Opisyal nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act 11053 na nag-aamyenda at nagpapalakas sa Republic Act 8049 o ang batas na nagbabawal sa hazing at regulasyon ng iba pang paraan ng initiation rites sa mga fraternities, sororities at iba pang organisasyon.
Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang batas noong June 29, 2018.
Nakasaad sa bagong batas na tatawaging Anti-Hazing Act of 2018 na kailangang humingi ng permiso sa mga kinauukulang awtoridad ng paaralan pitong araw bago ang initiation rites.
Hindi rin dapat lalagpas ng tatlong araw ang gagawing initiation sa mga bagong miyembro ng fraternity, sonority o anumang organisasyon.
Sa bagong batas pa rin ay inamyendahan ang parusang ipapataw sa mga masasangkot sa hazing, depende sa kahinatnan o pinsala nito sa biktima.
Sakali naman aniya na humantong sa pagkamatay, rape, sodomy o mutilation o pagkakaputol ng alin mang bahagi ng katawan ng biktima ang hazing, papatawan ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong at multang P3 million ang mapapatunayang direktang sangkot sa krimen.
Pananagutin din bilang accomplice o kasabwat at mahaharap sa kasong administratibo ang mga school authorities, kabilang ang mga faculty members.
Gayundin ang mga barangay, municipal o city officials ay hindi makakalusot kung mapapatunayang pinayagan nila ang hazing ng fraternity, sorority o ibang organisasyon o may alam sila sa mangyayaring hazing pero hindi sila gumawa ng aksyon para ito’y mapigilan at hindi iniulat sa mga alagad ng batas kahit wala namang peligro sa kanila o sa kanilang pamilya. (Kris Jose)