Batas sa libreng Wi-Fi, CR sa bus terminal, pirma na lang ng Pangulo ang kulang – Poe

Batas sa libreng Wi-Fi, CR sa bus terminal, pirma na lang ng Pangulo ang kulang – Poe

June 22, 2018 @ 6:59 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Lagda na lamang ni Pangulong Duterte ang kailangan upang maging ganap na batas ang panukalang magbibigay ng libreng wi-fi connections at malinis na palikuran sa lahat ng transportation terminals kabilang ang bus, jeep, at barko.

Sinabi ito kahapon ni Senador Grace Poe sa isang panayam sa radio matapos ihayag na magkakaroon muli ng pagdinig sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) sa Cagayan De Oro City.

Ayon kay Poe, nasa tanggapan na ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na ipinadala ng Kongreso bago magkaroon ng recess sa sesyon.

Opo, alam ninyo ipinasa na po namin ‘yan sa Senado. Ang maganda po rito, hinihintay na lang po natin ang pirma ng ating Pangulo,” ayon kay Poe.

Ayon kay Poe, sakaling maging ganap na batas ang panukalang “an Act to Improve Land Transportation Terminals, Stations, and Stops, Appropriation Funds Therefor, and For Other Purposes, kailangan may libreng internet connections at malinis na palikuran.

“Pero itong batas na ito, ang halaga nito, lahat ng ating mga terminals—bus man o pandagat na terminal—kapag ito ay public terminal, kailangang may malinis na palikuran o banyo, hindi dapat nagbabayad ang ating mga kababayan para gamitin iyan. Tapos free ang Wi-Fi. Kung may Wi-Fi connection, dapat libre,” aniya.

Naniniwala si Poe na kapag gumanda at naging malinis ang lahat ng comfort rooms sa mga terminals, stations at stops, at may libreng internet connection, maraming turista, dayuhan man o lokal na maeengganyong mamamasyal sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Alam mo ang ating bansa ay napakaganda at maraming gustong bumisita dito sa atin kaya lamang, sabi nila ang mga imprastruktura o ang mga katulad niyan ay hindi pa ganoon kaganda pero kapag nakita nila na ang mga terminals natin ay malinis, mapayapa at maayos, tama kayo ma-eengganyo sila na bumisita palagi,” aniya.

“Kaya yun ay ipinaglaban natin dahil kapag maraming turista—tulad niyan, ang Cagayan de Oro ay napakaganda kapag pumupunta ako diyan, lahat ay natutuwa diyan, sa mga seafood na kinakain ko, sa dagat ninyo, kapag naayos iyan ay mas maraming trabahong maibibigay,” dagdag ni Poe. (Ernie Reyes)