Batasan ‘all systems go’ na sa unang SONA ni PBBM

Batasan ‘all systems go’ na sa unang SONA ni PBBM

July 25, 2022 @ 9:54 AM 3 weeks ago


Manila, Philippines – “All systems go” na ang Batasan Complex para sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Romualdez Marcos Jr.

Ramdam ang higpit ng seguridad sa pangunguna ng Presidential Security Group (PSG) sa loob at labas ng Batasan Complex at ang pagiging alerto ng mga tauhan ng Philippine National Police.

Sa pagpasok pa lamang ay kinakailangang dumaan sa security tagging ang lahat ng papasok at kailangang sumailalim sa antigen at RT-PCR Test.

Tanging ang mga House of Representatives and Senate Members, Secretariat officials, employees, at mga panauhin na nasa listahan ng PSG ang papayagang makatuntong ng Plenary Hall ng alas 2:00 ng hapon at ito ay isasara ng 3:00 ng hapon kung saan ang mga kalalakihan ay kailangang naka-Barong Filipino at Filipiniana o angkop na business attire sa kababaihan.

Mahigpit na ipinagbabawal ang kasuotan na may “political messages” at hindi papayagang nakabukas ang mga gadgets gaya ng cellphones, radio transceivers, at katulad gayundin ang mga malalaking bag o backpacks ay hindi papayagan at anumang pagkain.

Gaya ng mga naunang SONA, bawal din ang pagdadala ng armas ng walang pahintulot ng PSG at pagsapit ng ala 1:00 ng hapon hanggang alas 6:00 ng gabi ngayon ay mahigpit na ipatutupad ang “No Fly Zone” sa isang kilometrong radius one sa Batasan Complex.

Alas 10:00 ngayong umaga ay sisimulan ang pormal na pagbubukas ng Malaking Kapulungan ng Kongreso sa unang regular session ng 19th Congress kung saan maghahalal muna ang mga kongresista ng bagong Speaker na ang pangunahing kandidato ay si Leyte Rep. At Majority Floorleader Martin Romuladez.

Hihirangin din ang uupong Majority Leader na ang matunog na pangalan ay sina Zamboanga City Rep. Jose Manuel “Mannix” Dalipe at SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta at ang Minority Leader na ang lumulutang na pangalan naman ay si dating Eastern Samar Rep. at ngayon ay 4Ps Partylist Rep. Marcelino Libanan. Meliza Maluntag