Batasan naka-lockdown sa SONA; PNP walang namo-monitor na panganib

Batasan naka-lockdown sa SONA; PNP walang namo-monitor na panganib

July 22, 2022 @ 10:29 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Isinailalim sa lockdown ang Batasang Pambansa Complex, ang tahanan ng House of Representatives, bilang bahagi ng security measures para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 25, ani House Secretary General Llandro Mendoza.

“We’re all systems go na po tayo sa Batasan. Nag-start po tayo simula kagabi ng lockdown, full lockdown po tayo sa House. So more security preparations na lang po ang ginagawa natin,” aniya.

Sinabi ni Mendoza na ang mga papasok sa plenaryo at pangunahing gusali ay kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test 48 oras bago ang SONA.

Sinabi rin niya na humigit-kumulang 90% ng mahigit 1,300 bisita na inimbitahan sa SONA ang nagkumpirma na ng kanilang pagdalo.

Nasa 1,200 katao ang papayagang pumasok sa Kongreso, kabilang ang mahigit 300 kongresista, 24 na senador, at mga miyembro ng diplomatic corps. Gayunpaman, limitadong bilang lamang ng mga bisita at miyembro ng press ang papayagan sa gallery.

Mahigit 21,000 pwersang panseguridad ang ipapakalat upang matiyak ang kaganapan, naunang sinabi ng (PNP) Philippine National Police.

Ang deployment ay binubuo ng 16,964 mula sa National Capital Region Police Office, 1,905 mula sa PNP support units, at 2,974 mula sa coordinating agencies at iba pang peacekeeping partners.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes na wala silang namomonitor na seryosong banta sa seguridad sa SONA ni PBBM.

Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang kanilang intelligence team at iba pang law enforcement agencies ay patuloy na binabantayan at bini-validate ang impormasyon sa mga posibleng tangkang guluhin ang SONA.

“As of yesterday sa ating pagpupulong, wala pa po tayong nare-receive na any credible or serious threat pero ganun pa man hindi tayo nagkukumpiyansa,” aniya sa interbyu sa GMA.

Samantala, ang gun ban sa Metro Manila kaugnay ng SONA ay nagkabisa noong Biyernes at hanggang Hulyo 27. RNT