Bato bukas sa pagsuporta sa medical marijuana

Bato bukas sa pagsuporta sa medical marijuana

December 13, 2022 @ 7:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na bukas siya sa pagsuporta sa medical marijuana na inaprubahan sa antas ng komite sa kabila ng ilang pangamba ng law enforcement agencies na abusuhin ang batas.

Sa pagtatapos ng pagdinig ng Senate committee on health and demography, sinabi ni Dela Rosa na kahit may pagtutol ang ilang ahensiya at indibiduwal sa panukala, gusto nitong pagbigyan ng pagkakataon ang panukala.

Giit pa niya na ikonsidera ng sinuman ang komokontra sa panukala na gawing legal ang marijuana bilang gamot na mabebenepisyuhan dito ang pasyenteng nangangailangan nito.

“Lahat naman, ‘yong pro saka anti, puro para sa kabutihan nating lahat ‘di ba, but ang sa akin lang is, try kaya nating, let’s put our hearts and minds to this possibility?,” ani Dela Rosa.

“Ang sa akin lang naman is — ako nga hardline ako, anti-drug advocate talaga ako, nakipag-patayan ako d’yan sa mga drug personalities pero ‘pag dating dito ‘yong compassionate use nito, why not, try natin, we open our minds and hearts at tignan natin?” tanong pa ni dela Rosa.

Sinabi ni Dela Rosa na sa halip kontrahin ang Senate Bill No. 230, ang magsagawa ng kaukulang hakbang ang mga kritiko at regulatory agencies ng gobyerno sa pagtugon sa posibleng pang-aabuso sa panukala.

“Alam ko your opposition is anchored doon sa posibleng magiging abuso na mangyari dito (kung) i-grant natin ito, ‘yong posible. Ako naman, kayong nasa anti, tignan kaya natin din kung — lalong-lalo na ‘yong regulating agencies ng gobyerno — tignan kaya natin kung meron din kayong pwedeng gawin, posibleng intervention doon sa magiging posibleng abuso sa batas na ito,” ani dela Rosa.

“Alam ko ang ating kinakakatakutan ‘yong posibleng abuso. In our part naman sana, hanap din kayo ng paraan, kung anong posibleng diskarte or intervention para hindi ito ma-abuso. So mag-kwan tayo, mag-level up tayo, kasi ‘pag sabihin kasi ninyo, mga regulating agencies ng gobyerno na sarado na ang utak ninyo dahil malaki ang posibilidad niyan na ma-abuso talaga ‘yan, ah tapos na,” dagdag pa niya.

Si Dela Rosa ang dating hepe ng Philippine National Police na nagptupad ng drug war sa panahon ng Duterte administration na kung saan, mahigit 20,000 indibiduwal ang napatay kabilang ang ilang inosenteng menor de edad. Ernie Reyes