Bato, nagdadalawang-isip na sa pagsasalegal ng ilang droga

Bato, nagdadalawang-isip na sa pagsasalegal ng ilang droga

November 25, 2022 @ 4:54 PM 2 days ago


MANILA, Philippines – Mukhang tatablahin na ni Senador Ronaldo “Bato” Dela Rosa ang sariling panukala na gawing legal ang paggamit ng droga dahil baka abusuhin ito ng ilang sektor na tinagurian niyang “bad idea.”

Sa panayam, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na naglunsad ng drug war noong nakaraang administrasyon na nakatakda ang legalisasyon sa paggamit ng droga sa kanyang Senate Bill No. 202 na dininig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na kanyang pinamumunuan kamakailan.

“’Yung bill na ‘yan ino-author ko at kung lulusot, i-sponsor ko din sa plenary, ay ‘yan ay nagawa natin nung kasagsagan nung war on drugs natin na kung saan punong-puno na ‘yung ating mga presuhan sa mga drug offender,” aniya sa isang panayam.

“So naawa tayo, naawa tayo dun sa mga nagsisiksikan. Gusto natin na ma-decongest so napag-isipan natin na pwedeng i-decriminalize ‘yung drug using…” giit pa niya.

Pero, sinabi ni Dela Rosa na kahit nakaka-isang pagdinig pa lamang ang komite sa panukala, kanyang pinag-iisipan ang ideya sa gitna ng argumento na inilatag sa deliberasyon.

Partikular na tinukoy ni Dela Rosa ang mahigpit na pagtutol ng law enforcement agencies sa panukala na maaaring maghatid ng maling senyales sa publiko na okay lamang ang paggamit ng illegal drugs dahil wala naman makukulong.

“Nagdadalawang-isip na rin ako being the proponent of such measure, nagdadalawang-isip na rin ako,” ani dela Rosa.

“That’s the beauty of Senate hearings, napakinggan mo both sides at ‘yun nga being the proponent of such [a] measure medyo nagdadalawang isip ako ngayon,” giit pa niya.

Pero, nilinaw niyang hindi nito babawiin ang panukala bagkus, kanyang itutuloy ang pagdinig upang makalap ang mas maraming argumento.

Aniya, hindi naman lahat ng probisyon sa kanyang panukala ang pagsasalegal ng paggamit ng illegal drugs.

Katunayan, aniya, isa dito ang pagaalis ng pangangailangan na makakuha ng court order bago ipasok sa rehabilitation center ang isang drug user. Ernie Reyes