Bato nagdamdam, minata ng EU solons

Bato nagdamdam, minata ng EU solons

February 23, 2023 @ 1:52 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naluha si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nang ibahagi kung paano siya minata ng mga mambabatas mula sa European Union (EU) nang magkita sila upang pag-usapan ang mga isyu sa human rights sa Pilipinas nitong Miyerkules, Pebrero 22.

Si Dela Rosa, na tinawag mismo ang sarili bilang “face of the war on drugs,” ay kabilang sa mga senador na nakipagkita sa anim na bumisitang miyembro ng EU subcommittee on human rights sa Senate building sa Pasay City.

Matatandaan na siya ang hepe ng Philippine National Police sa kasagsagan ng madugong anti-drug war campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, agad niyang sinabi sa pagsisimula ng pagpupulong na siya ang isa sa pinaka-God-fearing at most family-loving na senador, para i-kondisyon ang isip ng mga mambabatas mula sa EU na ang mga Filipino ay “abusive or murderers.”

“Sinabi ko sa kanila na takot ako sa Diyos. Lahat-lahat sinabi ko sa kanila para mag-relax sila kasi pagpasok ko pa lang sa room ang tingin nila sa akin, sa akin lahat nakatingin eh, parang andito, andito na ‘yung hitman, andito na ‘yung mamamatay-tao. Parang ganun ang tingin sa akin eh…Mabuti naman nag smile-smile naman sakin ‘yung mga babae na Parliamentarians,” pagbabahagi ni Dela Rosa sa panayam ng ANC.

Nauna nang sinabi ng senador na naging malalim at mainit ang pagpupulong ng mga senador lalo na nang kwestyunin ng isang Spanish lawmaker kung bakit naghain ng resolusyon si Senador Jinggoy Estrada na kumukontra sa imbestigasyon ng International Criminal Court laban kay sa dating Pangulong Duterte.

Nang mapag-usapan na ang isyung ito, napansin ni Dela Rosa na tumaas na ang boses ng EU members at umakto umanong parang mga boss.

“Ang pagkasalita kasi n’ya medyo mataas ang boses n’ya, para s’yang boss magsalita, boss namin. Who the hell are you? You are not our boss. Magrespetuhan tayo dito. Dapat ang treatment natin is equal kasi magpantay lang tayo, pareho tayong mambabatas kaya you don’t have to impose your will upon us,” pagbabahagi pa ng senador.

Taliwas naman dito ang sinabi ni EU delegation head Hannah Neumann at Senador Francis Tolentino, sa pagsasabing naging mabunga at “constructive” ang naging pagpupulong.

“I would say it was not tense, but it was open and critical discussion that in the end it was more constructive than tense,” sabi pa ni Neumann.

Nagpasalamat pa si Tolentino na siya namang namumuno sa Senate committee on justice and human rights, sa pagkakaroon ng “constructive dialogue” kasama ang kanilang counterpart mula sa EU parliament.

“Nagkaroon man ng dialogue na hindi naman mainitan, naipaliwanag natin ‘yung ating position and we’d like to thank the EU’s delegation here, as well as some of our colleagues, for that constructive dialogue which is a step in the right direction,” sinabi pa ni Tolentino. RNT/JGC