Bato sa bagong UNHRC report: ‘Wag niyo kaming diktahan

Bato sa bagong UNHRC report: ‘Wag niyo kaming diktahan

November 9, 2022 @ 8:51 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na dapat igalang ng United Nations Human Rights Council ang soberanya ng bansa at wala itong karapatang mandikta sa kampanya kontra droga ng gobyerno ng Pilipinas.

Nauna nang inilabas ng UNHRC ang isang ulat na humihimok sa gobyerno ng Pilipinas na palitan ang “exclusively punitive approach” sa pagpuksa sa ilegal na droga, na binanggit na ang panukala ay dapat na naaayon sa International Covenant on Civil and Political Rights.

Nagpahayag din ang UNHRC ng pagkabahala sa mga ulat ng “grave human rights violations and the extremely high number of extrajudicial killings, particularly in the context of the government’s campaigns against illegal drugs.”

Habang inamin ni Dela Rosa na hindi pa niya nababasa ang buong ulat, muling iginiit ng senador na may gumaganang justice system ang bansa.

“Meron tayong sariling gobyerno sana ‘wag na sila makialam sa atin. Wag na tayong diktahan kasi ano ba ang gusto nilang iimpose sa atin? Di naman tayo mga subjects nila na pwede nilang diktahan kung anong gusto nilang mangyari. Respetuhin nila ang ating kasarinlan,” ani Dela Rosa.

“Di naman tayo mga tao na uneducated, uncivilized…na diktahan nila kung anong gusto nila,” dagdag pa ng senador.

“Please stop interfering with our internal affairs… Ang mga tao po namin ay masaya sa nangyayari sa amin. Bakit po kayo mag-insist na diktahan kami kung ano ang dapat naming gawin,” giit pa niya.

Bago siya nahalal na senador, pinamunuan ni Dela Rosa ang Philippine National Police at pinamunuan ang administrasyon ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. RNT