Bato sa mga pulis: ‘Kulang sa asim’

Bato sa mga pulis: ‘Kulang sa asim’

September 9, 2022 @ 3:06 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na kailangang maging “proactive” ng mga pulis sa pagtugis sa mga kriminal sa gitna ng pagtaas sa kidnapping cases sa bansa.

Sinabi ni Dela Rosa, dating Philippine National Police (PNP) chief, nitong Miyerkules na sa panahon ngayon, hindi na gaanong agresibo ang mga pulis sa paglaban sa kriminalidad.

Ito ay matapos ihayag ni Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry president Lugene Ang na sa nakalipas na 10 araw, nakapagtala ng 56 kidnapping incidents sa bansa.

“Kulang sa asim. Kulang sa arrive ang kapulisan ngayon,” giit ni Dela Rosa.

Nang tanungin ukol sa kanyang opinyon sa tamang aksyon sa mga krimen, sinabi ni Dela Rosa, “Dagdagan nila nang konti, parang mapakla, ano ba yung kape na matapang? Mapait, oo, mapait para sa mga kriminal, at sa mga terorista. Hindi matamis.”

“Ang advise ko sa kanila is unahan nila, they must be proactive. At kasi, everything boils down to perception eh. Nung perception ng tao ay ganito, kasi wala silang nakikita kumbaga na agresibong counter-action dito sa mga nangyayari, then sabihin ng tao na parang kulang sa motivation ating kapulisan, parang malamya,” dagdag ng senador.

Sinabi pa ni Dela Rosa na kinakailangang hikayatin ng pinuno ng kapulisan ang kanyang mga tauhan na magtrabaho nang mabuti.

“Dapat i-encourage niya yung mga tauhan niya na kumilos, magtrabaho. Kung ayaw niyang magpronounce publicly ng kung ano-anong, mga masakit man o ano bang klaseng pananalita yan, yung matapang na pananalita, kung ayaw niyang gawin yan publicly, then he can do it in his own way para bigyan ng instruction yung mga tao niya,” giit niya. RNT/SA