Bato sa PNP, DILG: Maging alerto sa ninja cops

Bato sa PNP, DILG: Maging alerto sa ninja cops

December 14, 2022 @ 1:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Miyerkules, Disyembre 14 sa Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) na maging alerto at mapagmatyag sa paglitaw ng nga ninja cops sa Metro Manila.

Kasunod ito ng pahayag niya noong Lunes na mukhang nagbabalik na naman ang mga sindikato sa droga at posibleng maghihiganti ang mga ito.

Binanggit niya rin ang insidente ng pagkakaaresto sa mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation kamakailan.

“PNP mismo ang naghuli…Kaya nga lang, dapat vigilant tayo palagi. Advice ko nga sa PNP at sa DILG, bantayan ninyo ‘yang mga ninja cops. Kung makabalik ‘yan, sasakit na naman ang ulo natin,” ani dela Rosa sa panayam ng GMA.

Dahil dito ay nakikipag-usap na ang Senador kay DILG Secretary Benhur Abalos para sa usaping ito.

“Sabi ko sa kanya, bantayan talaga natin ‘yan na hindi makabalik ang mga ganyang klaseng tao kasi sasakit ang ulo natin. Sabi naman niya, ‘We are doing something about it.’ Hintay-hintayin lang natin…Basta andyan po, meron silang ginagawa,” dagdag pa ni dela Rosa.

Ang “ninja cops” ay ginamit na bansag sa mga pulis na nasasangkot mismo sa illegal drug trade at hinihinalang nagreresiklo ng mga nakukumpiskang droga para ibenta muli at pagkakitaan.

“Ang PNP drug enforcement ngayon ay nagiging biktima lang dahil nga pag-alis ni President Duterte, nawalan ng takot itong mga drug personality at bumabalik na naman sila. Sabi ko sa kanila, double time kayo. Dapat i-compensate ninyo na nawalan ng takot ang drug personality na bumabalik na naman, dapat i-compensate niyo with your effort. Talagang upakan niyo nang husto,” giit ni dela Rosa.

“‘Yung approach natin, concentrate on the big face… pero ‘wag din natin kalimutan ang small face,” pagtatapos niya.

Matatandaan na nitong Martes, Disyembre 13 ay nagpahayag ng kalungkutan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabalik ng problema sa droga na matatandaang tinutukan niya sa nagdaang administrasyon. RNT/JGC