Bautista: Local producer ng modern jeepney, prayoridad sa PUV modernization

Bautista: Local producer ng modern jeepney, prayoridad sa PUV modernization

March 7, 2023 @ 3:14 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Prayoridad ng Department of Transportation (DOTr) ang local manufacturers sa pagprodyus ng “modern jeepneys” sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ayon sa pinuno nito ngayong Martes.

“Mas pino-promote natin ‘yung local [manufacturers] dahil mas marami pong matutulungang gagawa niyan, marami pong job opportunities na mabibigay sa’ting mga kababayan,” pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa panayam.

Sinabi rin ni na nakikipag-usap na ang DOTr sa isang local manufacturer sa pagprodyus ng modern PUVs na “loyal” sa traditional design ng jeepney.

“Meron na po silang pinakitang prototype at ang sabi ay gagawin po nila ‘yan sa Camarines Norte. So nagsisimula pa lang po sila and we support their program,” ani Bautista.

Ayon kay Bautista, nasa anim na modern jeepneys na may traditional design ang bumibiyahe sa mga kalsada ng Metro Manila, habang 10 ang ginagamit ng Manila Hotel para sa mga turista.

“Bibigyan po natin ng linya ‘yan ‘yung mga ganiyang uri ng jeepney, iconic po pero modern,” pagtitiyak niya.

Samantala, inulit ni Bautista sa parehong panayam na bukas ang DOTr sa pakikipagdayalogo sa transportation groups sa mga isyu sa PUVMP.

Ilang transport groups ang kasalukuyang nagsasagawa ng week-long transport strike, mula nitong Lunes, bilang pagkondena sa PUVMP, na ikinatatakot nilang magreresulta sa phaseout ng traditional jeepneys na ikinabubuhay ng libo-libong mga driver at operator. RNT/SA