Bawal na paputok, kinukumpiska ng MPD

Bawal na paputok, kinukumpiska ng MPD

December 22, 2022 @ 4:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umabot na sa higit-kumulang P120,000 halaga ng paputok ang nakumpiska ng Manila Police District (MPD) sa patuloy nilang pag-iikot sa mga vendor sa Divisoria.

Sa panayam kay MPD Director PBrig/General Andre Dizon, negatibo ang huli ng paputok o fireworks sa mga istasyon maliban sa PS 11 na nasasakupan ng Divisoria Binondo.

Dagdag pa ng heneral, karaniwang nakukumpiska sa mga vendor ang mga lusis, sinturon ni hudas, fivestar, fountain at may mangilan-ngilang piccolo.

Ayon kay Gen. Dizon, nagsimula silang manghuli ng mga ipinagbabawal na paputok noong Nobyembre 19 hanggang sa kasalukuyan partikular sa Santos St., kanto ng Tabora sa Divisoria.

Sa papalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, nagpaalala ang heneral sa publiko na huwag tangkilikin ang mga paputok lalo’t mga ipinagbabawal upang maging ligtas ang pagdiriwang ng Yuletide season kasama ang pamilya at mahal sa buhay.

Nagpaalala rin ito sa mga vendor na huwag nang magsamantala o tangkaing magbenta ng paputok dahil tiyak na ito ay kanila lamang kukumpiskahin. Jocelyn Tabangcura-Domenden