Bawas gawain sa mga guro, plano ng DepEd

Bawas gawain sa mga guro, plano ng DepEd

September 15, 2022 @ 4:09 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Target ng Department of Education na bawasan na o tuluyang alisin ang ilan sa mga administrative works at mga dagdag na gawain sa mga guro.

Ito ay dahil sa ulat na kinakailangan ng mga guro na magtrabaho ng higit sa nararapat na oras dahil sa mga gawaing ito.

Sa pulong balitaan, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na ang Bureau of Human Resource and Organizational Development – Organization Effectiveness Division ay maglalabas umano ng polisiya tungkol sa working hours.

“Aside from that…We are about to launch a workload balancing tool kung saan maa-identify kung ilang oras talaga ‘yung contact hours ng teachers sa class at ano naman ‘yung hours na binubuno nila para gawin ‘yung admin tasks so we can lessen ‘yung admin tasks,” ani Poa.

Inaasahan naman na ngayong taon ay ilulunsad na ang workload balancing tool.

Maliban dito, plano rin ng Kagawaran na kumuha pa ng karagdagang 20,000 mahigit na mga guro sa 2023 para masolusyunan ang sobra-sobrang oras ng pagtatrabaho ng mga guro. RNT/JGC