Bawas-pasahe sa mga PUV sa NCR, kasado na

Bawas-pasahe sa mga PUV sa NCR, kasado na

March 16, 2023 @ 7:28 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang magkabisa sa Metro Manila sa susunod na buwan ang inaprubahang panukalang diskwento sa pamasahe para sa public utility vehicles (PUVs).

Sa naturang implementasyon, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na babalik sa P9 ang pamasahe sa mga tradisyunal na jeepney — kapareho ng pamasahe bago tumama ang pandemya at bago ipatupad ang fare hike.

Ang pamasahe sa modernong jeepneys ay P11 habang ang bus fares ay babawasan ng P3 hanggang P4.

Ang UV Express rates naman ay pinag-aaralan pa rin.

Magkakabisa ang mga pinababang singil sa loob ng anim na buwan at ipapataw muna sa Metro Manila bago sa mga kalapit nitong lalawigan.

Gayundin, ikakasa ito sa mga piling ruta sa buong bansa base sa Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes.

“Sa buong bansa po natin ito ipapatupad sa mga piling ruta sa siyudad na may pinakamaraming bilang po ng mga pasahero kagaya po ng nabanggit at alinsunod sa 2023 GAA provisions namin,” pahayag ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor.

“Layon po ng programa na makipagtulungan din sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga ruta na magiging bahagi ng ating programa,” dagdag niya.

Sa mga senior citizen at mga estudyante, mayroon ding karagdagang diskwento kaya magiging dalawang discounts para sa mga special group ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.

Ang diskwento sa pamasahe ay inirekomenda bilang kapalit sa EDSA Bus Carousel ngunit ito ay magiging pansamantala lamang at ititigil kapag nagamit na ang P2 bilyong pondo para sa service contracting program ng LTFRB ngayong taon.

Samantala, sinabi ni Guadiz sa mga jeepney drivers na walang dapat ipag-alala sa PUV modernization program ng gobyerno dahil ito ay malayo pa mula ngayon.

Gayunman, pinaalalahan sila na kailangan pa rin nilang bumuo o sumali sa kooperatiba para sa franchise consolidation bago ang December 31 deadline.

Sa ngayon nirerepaso ng LTFRB ang guidelines sa nasabing programa at patuloy ang konsultasyon sa stakeholders.

Magsasagawa rin ng seminars sa pagbuo ng kooperatiba at pagkuha ng mga pautang sa bangko. Jocelyn Tabangcura-Domenden