Bawas presyo bill vs TRAIN, inihain sa Senado

Bawas presyo bill vs TRAIN, inihain sa Senado

July 30, 2018 @ 1:13 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Inihain kahapon ni Senador Bam Aquino ang isang panukalang batas upang mabawasan ang tumataas na presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo laban sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Dahil dito, hinikayat ni Senator Bam ang pamahalaan na tuguan ang tumatas na presyo ng bilihin, lalo na ang produktong petrolyo, sa pamamagitan ng pagsuporta sa pagsasabatas ng kanyang panukala na tinawag na “Bawas Presyo Bill.”

“Huwag na patagalin pa ang paghihirap ng ating mga kababayan. May magagawa tayo para maibsan ang pagtaas ng presyo,” wika ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na bumoto kontra sa ratipikasyon ng TRAIN Law.

“Simplehan lang po natin. Taas presyo ang problema, bawas presyo ang solusyon. Kailangang ipasa na ang Bawas Presyo Bill sa lalong madaling panahon,” dagdag na Sen. Bam, na tinutukoy ang kanyang Senate Bill No. 1798.

Layon ng panukala ni Sen. Bam na suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law kapag lumampas ang taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

Ayon kay Sen. Bam, hindi matatakasan ng pamahalaan ang katotohanan na ang tax reform program nito, partikular na ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law, ay dahilan ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo at pagtaas ng inflation rate.

Idinagdag pa ng senador na sa ilalim ng TRAIN Law, may nakatakda pang pagtaas sa excise tax sa produktong petrolyo sa Enero 2019.

“Huwag naman natin hayaan na itaas pa ng gobyerno ang presyo ng petrolyo habang nalulunod ang mga pamilya sa gastos,” wika ni Sen. Bam.

Nanawagan din si Sen. Bam sa Kongrego na unahin ang suspensiyon at rollback ng excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law, sa halip na unahin ang pagsasabatas ng TRAIN 2. Ernie Reyes