Bawas-presyo sa petrolyo posible sa susunod na linggo

Bawas-presyo sa petrolyo posible sa susunod na linggo

January 6, 2023 @ 4:41 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Makalipas ang serye ng pag-arangkada ng presyo ng mga produktong petrolyo, may inaasahan naman na bawas-presyo nito sa susunod na linggo.

Ayon sa local oil industry sources nitong Biyernes, Enero 6, inaasahan ang rollback sa mga produktong petrolyo batay sa oil trading sa nakalipas na apat na araw.

“Lahat ng products nakaambang magkaroon ng decrease,” pagbabahagi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director Rino Abad sa panayam ng DZBB.

Ani Abad, inaasahan ang tapyas na mahigit P1.50 sa kada litro ng diesel at kerosene habang hindi lalampas sa P0.50 ang inaasahang tapyas sa presyo ng kada litro ng gasolina.

Karaniwang inaanunsyo ang price adjustments ng mga kompanya ng langis tuwing Lunes at ipinapatupad ito sa kasunod na araw.

Nitong Martes lamang, Enero 3 ay nagpatupad ng dagdag na P2.90 sa kada litro ng gasolina, P2.10 sa kada litro ng diesel at P3.05 sa kada litro ng kerosene. RNT/JGC