Bayad sa small-value fund transfers, target kalusin ng BSP

Bayad sa small-value fund transfers, target kalusin ng BSP

February 27, 2023 @ 9:34 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong  weekend na naghahanap ito ng paraan para kalusin ang bayad sa small-value fund transfers, kabilang ang pagbababa ng reserve requirement ng local lenders.

Base kay BSP Governor Felipe Medalla, handa ang central bank na makipagtulungan sa banking industry bilang insentibo sa paggamit ng mga Pilipino ng digital payments.

Sa post sa kanyang official Twitter account, binanggit ni Medalla na ang P15 fee—na sinisingil ng ilang bangko para sa interbank transfers—para sa P200 transaction ay “quite large” para sa halagang ipinadadala.

“We are ready to collaborate with banks and payment system operators to explore a cost-sharing system that excludes small transactions from these types of fees,” pahayag niya.

“We may even consider cutting the reserve requirement to enable banks to make these concessions. All these, in pursuit of a financial system that leaves no one behind,” dagdag ng opisyal.

Ang reserve requirement ay halaga ng cash na dapat mayroon ang isang bangko sa reserve nito, kumpara sa deposito ng mga kustomer sa Pilipinas. Kasalukuyan itong nasa 12%, na sinasabing isa sa pinakamataas sa rehiyon.

Sinabi ni Medalla noong nakaraang taon na ang reserve requirement ratio (RRR) ng malalaking bangko ay maaari pang ibaba sa single digit sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hulyo, sakaling pumasok ang inflation sa target range pagsapit ng panahong ito.

“After all, the true measure of an effective policy lies not in its complexity but in its ability to bring those at the margins into the fold,” aniya nitong weekend.

Subalit, lumobo ang inflation sa 14-year-high na 8.7% nitong January, mas mataas pa sa projection range ng central bank na 7.5% hanggang 8.3%, at sa target range na 2.0% hanggang 4.0%.

Inaasahan nitong bababa ang inflation sa target range sa ika-apat na quarter, at sa average na 6.1% para sa 2023.

Kasalukuyang nanunungkulan si Medalla sa unexpired term ni current Finance Secretary Benjamin Diokno, na humalili kay Governor Nestor Espenilla, Jr. na pumanaw noong February 2019.

Sinabi ni Espenilla noong 2017 na nais niyang bawasan ng kalahati ang reserve requirement sa ilalim ng kanyang pamumuno. RNT/SA