Bayad-utang bago renew-lisensya ng guro, kinondena

Bayad-utang bago renew-lisensya ng guro, kinondena

September 9, 2022 @ 12:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Binatikos ni ACT Teachers Partylist Rep France Castro ang regulasyon  ng Professional Regulation Commission (PRC) na hindi pinapayagan ang isang guro na mag-renew ng professional license kung mayroon pang utang.

Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations kung saan sumalang ang Department of Labor  Employment(DoLE)  ay tinanong ni  Castro si Labor Secretary Bienvenido Laguesma kung epektibo pa ang resolusyon ng PRC na pumipigil sa mga guro na ma-renew ng lisensya kapag sila ay na-tag dahil sa utang.

“Kung kami pong mga aktibista ay nare-red tag yung mga teacher na may mga utang ay tina-tag sa PRC para mahirapang mag-renew ng license. Yan po yung ginawa ng PRC at apektado po yung mga teachers natin, karamihan po ng nakausap ko sa Central Luzon. Effective pa po ba yung resolution na ito?” tanong ni Castro.

Sinabi ni Laguesma na hindi siya pamilyar sa ganitong regulasyon ng PRC na isang attached agency ng DOLE, aniya, kung may ganitong sistema ay mali ito.

“Mukhang hindi po naman tama yung may utang tagging, kasi po lalo po nating nade-deprive siguro ang mga teachers upang magkaroon ng pagkakataon, kung sakali man pong mayroong utang, ay makabayad sa utang,” pahayag ni Laguesma.

Tiniyak ng Kalihim na kanyang sisilipin at rerepasuhin ang resolusyon ng PRC.

“Amin pong rerepasuhin yung nabanggit po ninyo na resolusyon.”

Sa panig ng PRC nilinaw nito na ang isang mata-tag lamang ang guro kung pinadalhan ito ng summon batay sa reklamo na inihain sa kanya dahil sa hindi pagbabayad ng utang.

Ngunit nanindigan si Castro na mali ito dahil ibang usapan ang lisensys ng guro sa kanyang utang.

“Itinatali ninyo yung teacher doon sa reklamo na hindi pa man madedesisyunan. Yung lisensya ay hiwalay  doon sa kaso nila o doon sa pag-uutang” pagtatapos pa ni Castro. Gail Mendoza