Bayan sa Oriental Mindoro isinailalim sa state of calamity sa oil spill

Bayan sa Oriental Mindoro isinailalim sa state of calamity sa oil spill

March 3, 2023 @ 4:28 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inilagay na sa state of calamity ang bayan ng Pola, Oriental Mindoro dahil sa oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa Naujan, sa kaparehong probinsya.

“Kagabi lang po pinatawag ko yung mga kapitan, declaration po namin ng state of calamity na,” pahayag ni Mayor Jennifer Cruz sa panayam ng DZBB nitong Biyernes, Marso 3.

Ayon kay Cruz, isa ang Pola sa pinaka-apektadong mga lugar sa oil spill dahil malapit sa boundary nila sa Naujan naganap ang paglubog ng motor tanker na Princess Empress.

Dahil dito, nagkulay itim umano ang dagat at baybayin nila, kasabay ng pagkamatay ng ilang isda.

“Talagang nangingitim na ‘yung dagat namin at ‘yung baybaying dagat namin,” ani Cruz.

“Kapag umaalon makikita mo talaga ‘yung dami ng oil spill, ng langis. May mga namamatay na rin pong isda…Nalulungkot nga po kasi yung white sand namin, black sand na po,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Cruz na apektado na rin ang hanapbuhay ng mga mangingisda dahil pinagbawalan din ang mga ito na pumalaot dahil sa banta sa kalusugan ng oil spill.

Ipinagbabawal na rin ang paliligo sa mga apektadong lugar.

Nitong Huwebes, Marso 2 ay kinumpirma ng Philippine Coast Guard na nakakita sila ng langis malapit sa lugar kung saan lumubog ang motor tanker.

Ang MT Princess Empress ay naglalaman ng 800,000 litro ng industrial fuel oil na lumubog dahil sa malalakas na alon.

Nasagip naman ang lahat ng 20 sakay ng nasabing barko.

Ayon sa PCG, lumubog ang naturang motor tanker 400 metro sa ilalim ng dagat na napakalalim para sa mga divers na maabot ito. RNT/JGC