Bayanihan 2 funds naipakalat, nagamit ng mga ahensiya ng pamahalaan – Roque

Bayanihan 2 funds naipakalat, nagamit ng mga ahensiya ng pamahalaan – Roque

July 6, 2021 @ 2:23 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Naibaba sa mga line agencies o ahensiya ng pamahalaan ang lahat ng P165 billion Bayanihan 2 law funds.

Tugon ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa naging pahayag ni Vice President Leni Robredo na nabigo ang pamahalaan na gamitin ang mahigit na P6 billyong halaga ng Bayanihan 2 funds na napaso na nitong Hunyo 30.

“Lahat ng pondo ng Bayanihan 2 ay naibaba sa line agencies,” ayon kay Sec. Roque,

“They were given until July 15 to report back to the DBM how much were unspent, so we call on the Vice President to wait for this report before making conclusions,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, bukod kay Robredo ay sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na sa kabila ng maraming pangangailangan ng mga Pilipino dulot ng pandemya, nabigo umano ang gobyerno na gamitin ang lahat ng pondo sa ilalim ng Bayanihan to Arise As One (Bayanihan 2) para matulungan ang mga nangangailangan.

Ipinunto ni Lagman na kulang na nga ang pondo ng gobyerno ay nabigo pa itong gastusin sa mga proyekto na makatutulong sa paglaban sa pandemya.

Naglaan ang Kongreso ng P165.5 bilyon sa ilalim ng Bayanihan 2 upang madagdagan ang panggastos sa mga proyekto at programa laban sa COVID-19 pandemic mula Setyembre 11, 2020 hanggang Disyembre 19, 2020.

Dahil malaking pondo pa ang hindi nagastos bago matapos ang 2020, nagpasa ang Kongreso ng panukala upang magamit pa ang pondo hanggang Hunyo 30, 2021.

Hindi umapela ang Malacañang na muling palawigin ang Bayanihan 2. Kris Jose