Bayanihan 3 aprubado na ng Kamara

Bayanihan 3 aprubado na ng Kamara

June 1, 2021 @ 4:53 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang P401 bilyong Bayanihan 3 upang maibangon ang mga Filipino sa epekto ng pandemya.

Sa botong 238-0-1 lusot na sa Kamara ang House Bill 9411 o ang Bayanihan to Arise As One Act.

Palalawigin nito ang tulong pinansyal na P2,000 sa lahat ng Filipino nang dalawang bugso.

Nakalaan dito ang P216 bilyon para sa 108 milyong Filipino.

Kasama sa batas ang P54.6 bilyong pension and gratuity fund ng militar at uniformed personnel.

Bibigyan din ng P20 bilyon ang Small Business Wage Subsidy (SBWS) program upang matulungan ang Micro, Small, and Medium Enterprises.

Naglaan din ng P25 bilyon para sa mga nawalan ng trabaho sa ilalim ng mga programa ng Department of Labor and Employment.

Makatatanggap din ng P12 bilyon ang Phase 1 ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.

Itatabi naman ang P12 bilyon para sa Phase 2 at P6 bilyon sa Phase 3 ng programa.

Bibigyan din ng P9 bilyon para sa targeted indigent beneficiaries, P500 milyon sa libreng swab test ng overseas Filipino workers at seafarers, at P3 bilyon tulong para sa mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pandemya.

Nakalaan naman ang P4 bilyon sa basic education at P500 milyon para sa mga guro sa higher education.

Ang Bayanihan 3 ay isa sa mga prayoridad na ipasa ng Kamara bago matapos ang regular na sesyon.

Ngunit hindi ito prayoridad ng Senado ayon kay Senate President Vicente Sotto III. RNT/ELM